MANILA, Philippines – Humirit si Pangulong Benigno Aquino III sa mga kritiko ng taas singil sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT), ngunit wala namang inilalatag na solusyon.
"Siyempre ang gandang magpapogi ngayon: 'Kontra ako sa increase!' Lahat naman tayo ayaw naman nating tumaas ang bilihin. Pero iyon ang totoo," wika ni Aquino.
"Pero kung puro reklamo at wala namang solusyon na inihahain, talagang nagpapa-cute lang sila at wala silang hilig na magkaroon ng solusyon sa problema.”
Iginiit ng Pangulo na layunin ng fare increase na mapabuti ang serbisyo ng mga tren na para rin sa ikabubuti ng publiko.
Una nang dinepensahan ni Aquino ang pagtataas singil noong 2013 sa kanyang State of the Nation Address.
"Perhaps it is only reasonable for us to move the fares of the MRT and LRT closer to the fares of air-conditioned buses, so that the government subsidy for the MRT and LRT can be used for other social services.”
Marami ang kumontra sa fare increase dahil sa sira-sirang tren at riles ng MRT.