MANILA, Philippines – Hiniling ni Sen. Koko Pimentel kahapon sa Commission on Elections (Comelec) na masusing siyasatin ang katauhan ng Indra Sistemas na isa sa mga bidder sa P2 billion contract sa pag-supply ng karagdagang vote counting machines.
Ayon sa senador, lumitaw na ang Spain government ay siyang major shareholder sa Indra Sistemas na naka-base sa Madrid at siya ring may kontrol sa kumpanya.
Ang Indra na isang technology provider na espesyalista sa defense information systems ay gustong luminya sa election technology market.
Masugid na kinakaribal nito ang beteranong London-based Smartmatic-TIM sa naturang Comelec bidding sa pag-supply ng karagdagang voting machines na gagamitin kasabay ang 82,000 precinct count optical scan (PCOS) machines sa 2016 elections.
“Ang posibleng panghihimasok ng isang foreign government at ang kaduda-dudang integridad at kahusayan ng untested voting machines ay mga isyu na dapat pagtuunan ng pansin ng Comelec,” ayon kay Pimentel.
“Dapat tingnan ng Comelec ang mga anggulong ito sa katauhan ng Indra. Ang foreign government control at incompetence ay kapwa mga importanteng isyu,” pagdidiin pa ni Pimentel.
Nabigo ang Spain-owned technology provider na Indra Sistemas na tuparin ang pangkalahatang requirement para maging kuwalipikado sa pag-bid sa P2 bilyong kontrata sa Comelec para sa automation ng 2016 national polls.
Ang binanggit ng Indra bilang kanilang “single largest contract” ay ang telegraph transmission, processing at broadcast ng provisional count sa 2013 parliamentary elections ng Argentina gayong ito’y isinagawa sa mano-manong paraan.