MANILA, Philippines – Inilabas na ng Quezon City police ang cartographic sketch ng mga suspek na nangholdap noong linggo ng umaga sa Kenny Rogers sa kanto ng Quezon Avenue at Scout Albano sa lungsod.
Ayon sa pamunuan ng QCPD, ang dalawang suspek ay tinatayang nasa 5’5 hanggang 5’7 ang taas, may tamang pangangatawan at kayumanggi ang kulay
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pasado alas-7:00 ng umaga noong Linggo ng magpanggap na kostumer ang mga suspek sa kabubukas lang na restaurant.
Agad umanong dinisarmahan at kinuha ng mga ito ang service firearms ng guwardiya saka iginapos kasama ang tatlong service crew, cashier at janitor at ikinulong sa opisina na nasa likuran ng restaurant
Maging ang isang pamilya na kostumer na kapapasok pa lamang sa nasabing kainan ay hinoldap din at iginapos ng mga suspek.
Kabilang sa mga natangay ng mga holdaper sa kanilang pagtakas ang mga pera, alahas at cellphone ng mga empleyado ng fasfood chain habang nakuha naman sa costumer ang isang rolex, , cellphone at hindi nabatid na halaga.
Sa kabuuan, mahigit sa P500,000 ang nakulimbat ng mga suspek at kasama rin nilang tinangay ang CCTV ng nasabing restaurant upang hindi umano sila makilala at walang maging ebidensiya sa nangyaring insidente.