10 nawawala sa lumubog na bangka

MANILA, Philippines - Sampu-katao ang nawawala makaraang lumubog ang sinasakyan ng mga itong pumpboat sa karagatang sakop ng bayan ng Carles, Iloilo kamakalawa. 

Kabilang sa mga biktimang nawawala ay sina Marivic Bartolome, 19; Vincent Bartolome, 15; Anthony Bartolome, 14; Jesbael Bartolome, 10; Jenjen Rogelio, 28; Jinggay Rogelio, 5; Jaiyan Rogelio, 2; Ruffa Bartolome, 24; isang tinukoy sa pangalang John John, 22; at si  Jay, 25.

Sa sketchy report, sinabi ni P/Senior Supt. Cornelio Salinas, Iloilo PNP provincial director, dakong alas-5:30 ng hapon noong Enero 1 nang lumubog ang bangka ng dalawang mister isa rito ay tinukoy sa palayaw na Jan-Jan at  walong bata sa karagatan ng Barangay Lantangan sa nasabing bayan.

Ayon sa imbestigasyon, binalya ng dambuhalang alon ang mga bangka ng biktima kung saan tuluyang lumubog.

Ang pangyayari ay ini­report sa mga awtoridad ni Andresito de la Cruz.

Ayon sa opisyal, ang insidente ay sanhi ng masu­ngit na panahon na buntot ng bagyong Seniang na humagupit sa Visayas Region.

Patuloy naman ang search and rescue operations ng mga awtoridad sa mga biktimang nawawala. (Joy Cantos)

 

Show comments