Revamp sa Gabinete, nakaamba

MANILA, Philippines - Umuugong ang po­sib­leng balasahan sa hanay ng Gabinete ni Pa­ngulong Benigno Aquino III matapos ang pagbibitiw ng kalihim ng Department of Health (DOH).

Gayunman, iginiit kahapon ni Presidential COO Sec. Herminio Coloma Jr. na hintayin na lamang ang magiging anunsyo ni Pangulong Aquino kung magpa­patupad siya ng rigodon sa kanyang Gabinete.

Wika pa ni Sec. Coloma, wala pa siyang impormasyon kung may magaganap  na revamp kasunod ng pagbibitiw sa puwesto ni Health Secretary Enrique Ona noong nakaraang buwan.

Pansamantalang itinalaga ni PNoy si Usec. Janette Garin bilang officer in charge nang magsumite ng leave si Ona noong Nobyembre hanggang sa tuluyan siyang nagbitiw noong Disyembre.

Bukod kay Ona, ipinalalagay na ilang miyembro din ng Gabinete na may planong tumakbo sa 2016 elections ay posibleng magbitiw rin sa kanilang mga puwesto bilang paghahanda sa kanilang kandidatura lalo pa’t sa Oktubre na ang pagsusumite ng certificate of candidacy.

Magugunita na ti­nanggap na din ni Pa­ngulong Aquino ang pagbibitiw ni rehabilitation czar Sec. Panfilo Lacson na epektibo sa Pebrero 10.

“Mas mabuting hintayin na lamang natin ang mismong anunsiyo ni Pangulong Aquino kung magpapatupad siya ng revamp sa kanyang Gabinete,” ani Coloma sa isang text message sa PSN.

 

Show comments