MANILA, Philippines - Patuloy ang panawagan ng Philippine National Police (PNP) sa mamamayan na iwasan ang indiscriminate firing upang hindi na madagdagan pa ang biktima partikular na ang mga inosenteng bata kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay P/Chief Supt. Wilben Mayor, hepe ng PNP Public Information Office, upang maiwasan ang mga sakuna dulot ng panganib ng stray bullet ay mas makabubuting huwag gamitin ang mga baril sa nasabing tradisyunal na selebrasyon.
Sinabi ni Mayor na nasa sampung insidente ng ligaw na bala na ang iniulat sa PNP kung saan pito ang naging biktima.
Sa tala ng PNP, kabilang sa mga biktima ng ligaw na bala sanhi ng indiscriminate firing ay ang 7-anyos na bata na kasalukuyang isinasalba ang buhay sa Christian General Hospital sa bayan ng Lumban, Laguna.
Nabatid na si Isaac Ruda ay nakikipaglaro sa mga kaibigan nito sa Barangay Bagong Silang nang tamaan ng ligaw na bala sa likurang bahagi ng kaniyang ulo kamakalawa.
Naaresto naman ang 56-anyos na suspek na si Mario Cortez na nagtratrabaho bilang jailguard sa Laguna Provincial Jail na nagpositibo sa gunpowder residue mula sa cal. 22 pistol na pinaputok umano nito.
Samantala, inihayag pa ni Mayor na umpisa Disyembre 16 ay nasa 32-katao na ang naitala na sugatan sa paputok habang pito naman ang biktima ng ligaw na bala.
Umaabot naman sa 68-insidente ang nairekord ng PNP kung saan 17-katao ang naaresto habang 16, 021 illegal o bawal na paputok ang nakumpiska ng mga operatiba ng pulisya sa magkakahiwalay na operasyon sa bansa.
“Specifically prohibited are firecrackers with net explosives content of more than 0.2 grams or approximately 1/3 teaspoon. These prohibited firecrackers are very dangerous and are known to cause serious injury or even death”, pahayag pa ng opisyal.
Samantala, kabilang naman sa nasamsam na mga ipinagbabawal na paputok simula noong Disyembre 16 hanggang sa kasalukuyan ay super lolo, lolo thunder, atomic, big trianggulo at Watusi.
Ang iba pa ay piccolo, mother rockets, pillbox, boga, big juda’s belt, big bawang, kwiton at ang kabasi.