MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang Department of Health (DOH) sa publiko hinggil sa mapanganib na ‘piccolo’ na paborito ng mga bata.
Ayon sa DOH, hindi lamang panganib na maputukan ng piccolo kundi maaari ring makamatay ito kapag nalunok ng bata.
Sinabi ng DOH, ang piccolo ay nagtataglay ng yellow phosphorus, na maaaring maging sanhi ng kamatayan kung makakalunok ng mula 50 hanggang 100 mg nito.
“Piccolo is very poisonous because it contains the substance yellow phosphorus. The estimated human lethal dose is 50 to 100 milligrams,” anang advisory ng DOH kung saan ay sinabing senyales ng piccolo poisoning ay burns at pagsusuka.
Sakali naman umanong makumpirmang nakalunok ng piccolo ang isang indibidwal ay dapat na bigyan ang bata ng 6 hanggang 8 hilaw na puti ng itlog, habang walo hanggang 12-puti naman ng itlog para sa mga matatanda.
Sakali naman umanong tamaan o malagyan ng piccolo sa mata, ay kaagad na hugasan ito ng tubig sa loob ng 15 minuto. Panatilihing bukas ang talukap ng mata.
Yung maapektuhan naman sa balat ay hugasan ng mabuti ang apektadong lugar, alisin ang kontaminadong damit at tiyaking nalabhan ito ng maayos bago muling gamitin at kung nakasinghot naman ng piccolo ay hayaan lamang makalanghap ng sariwang hangin ang biktima at maging kumportable.
Sa lahat ng pagkakataon, tiyaking matapos na mabigyan ng first aid ang mga pasyente ay kaagad na kumonsulta sa doktor o pagamutan upang mabigyan ang mga ito ng kaukulang lunas.