MANILA, Philippines – Hanggang Enero 31, 2015 na lamang ang deadline ng pagkakaloob ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng franchise para sa mga trucks-for-hire nationwide.
Ito naman ang binigyan diin ni Engr. Ronaldo Corpuz, board member ng LTFRB kung saan sinabi nito na alam na nila ang bilang ng mga trucks na dapat bigyan ng pahintulot na maging sasakyan ng mga ihahatid na kalakal sa buong bansa partikular sa Metro Manila.
Huli namang bibigyan ng prangkisa ang mga truck na may kontrata sa pier.
Aniya may 36,000 truck-for-hire vehicles na ang kanilang naisyuhan ng prangkisa hanggang December 15, 2014 mula nang buksan ang linya para dito noong Hunyo 2014.
Sinabi ni Corpuz na sa ngayon, tanging truck -for- hire at school service ang open para sa franchise samantalang hanggang ngayon ay may moratorium pa rin ang pagkakaloob ng franchise sa passenger jeep, AUVS, bus at taxi.
Payo naman ni Corpuz sa mga bibili ng prangkisa, makabubuting beripikahin muna ito sa LTFRB para walang aberya at problema.
Kaugnay nito, inanunsyo din nito na bukas ang pintuan ng LTFRB para tumanggap ng mga reklamo sa mga abusadong passenger vehicles upang mapagpaliwanag ng ahensiya at tuloy maparusahan kung mapapatunayang nagkasala sa franchise rules and regulations.