MANILA, Philippines - Nakabalik na sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo makaraang mag-Pasko sa labas ng ospital.
Nakapagdiwang ng Pasko si Arroyo kasama ang pamilya sa bahay sa La Vista, QC mula Disyembre 23 hanggang 26 matapos pagbigyan ng korte sa hirit na Christmas furlough.
Disyembre 23 hanggang Enero 3 sana ang orihinal na hirit ni CGMA.
Inabot lamang ng halos 10 minuto ang biyahe ng kongresista mula sa kanyang bahay pabalik ng ospital kahapon ng umaga.
Nananatiling naka-hospital arrest si CGMA dahil sa kasong plunder kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).