MANILA, Philippines - Nasilat ng tropa ng militar ang landmine attack ng mga rebeldeng New People’s Army sa liblib na bahagi ng Barangay Rizal, bayan ng Buenavista, Agusan del Norte kamakalawa.
Ayon kay Major Christian Uy, spokesman ng Army’s 4th Infantry Division, nakatanggap ng impormasyon ang mga sundalo kaugnay sa presensya ng mga rebelde na nagtatanim ng mga wirings sa tabi ng highway.
Rumesponde naman ang tropa ng militar na naaktuhan ang mga rebelde na nagtatanim ng improvised explosive device.
Bunga nito ay sumiklab ang maikling putukan sa pagitan ng magkabilang panig na tumagal ng 5 minuto kung saan bandang alas-8:05 ng umaga nang marekober ng Army troops ang landmine na itinanim ng mga rebelde sa nasabing lugar.
Wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng mga sundalo habang narekober ang 100 metrong electric wire na ginamit ng mga rebelde sa pagtatanim ng bomba.
“We thank the people of Barangay Rizal for the timely information that led to the prevention of another NPA treacherous act. Your Army is always ready to respond whenever a security threat arises to your communitie,” pahayag ni Major General Oscar Lactao, commander ng Army’s 4th Infantry Battalion.