MANILA, Philippines - Ikinasa ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na dinggin sa Enero 9, 2015 ang usapin sa pagbaba ng pasahe sa mga pampasaherong bus at taxi sa bansa.
Ayon kay LTFRB board member Ronald Corpuz, malalaman sa naturang pagdinig kung sinu-sino ang mga papanig at kokontra sa fare rollback sa naturang mga pampasaherong sasakyan.
Anya, nagtakda ang LTFRB ng pagbusisi sa bawas pasahe sa bus at taxi bilang tugon ng ahensiya sa naisampang petisyon ni Negros Congressman Manuel Iway na maibaba ng P1.00 ang pasahe sa ordinary bus at gawing P30.00 ang flag down rate sa taxi.
“Lahat ng stakeholders at operators ng bus at taxi ay invited sa hearing kaya dito natin malalaman kung sino ang mga panig at mga oppositors,” pahayag ni Corpuz.
Anya, ang anumang resulta sa gagawing pagdinig ang isang pagbabatayan ng LTFRB para madesisyunan ang naturang petisyon.
Gagawin naman anyang patas at paborable sa lahat ang ipalalabas na desisyon hinggil sa fare rollback.