MANILA, Philippines – Nilagdaan na ni Pangulong Aquino ang panukalang P2.606-trilyong pambansang budget.
Ikinagalak ng Pangulo ang pagkakapasa ng budget sa tamang panahon, sa ika-limang pagkakataon.
Tinawag ni Aquino na “tunay na budget ng bayan” ang Republic Act No. 10651 dahil nakatutok anya ito sa kapakanan ng taumbayan.
“Hindi lamang ito bastang pagbuhos ng pondo sa mga boss nating pinaka nangangailangan, binibigyan din natin sila ng boses sa pagba-budget ng binabayaran nilang buwis,” wika ng Pangulo.
Bukod sa bottom-up budgetting, ipinatupad din anya ang Performance Informed Budgeting kung saan malinaw ang target na dapat mapatupad ng isang tanggapan.
Mas mabilis anya ang proseso ng pagba-budget ngayon.
Itinapyas din anya sa sistema ng budget ang espasyo para sa katiwalian.
“Wala na sa ating budget ang PDAF o Priority Development Assistance Fund, na naging instrumento ng pangungulimbat ng ilang mapagsamantala,” wika niya.
Kasabay nito, nilagdaan din ni PNoy ang 2015 supplemental budget.