P2.606T nat'l 2015 budget OK na kay PNoy

MANILA, Philippines –Nilagdaan na ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Martes ang Republic Act 10651 o ang P2.606 trillion national budget para sa susunod na taon.

Ikinatuwa ni Aquino ang pagkakapasa sa oras ng national budget para sa limang pagkakataon mula nang maupo siya sa puwesto noong 2010.

"Makasaysayan po ang araw na ito. Sa ikalimang pagkakataon naipasa natin sa tamang oras ang budget para sa susunod na taon. Ibig sabihin sa bawat taon ng ating paninilbihan ginawa natin ang ating tungkulin," pahayag ni Aquino.

Ipinagmalaki ni Aquino ang “Bottom-up Budgeting Program” kung saan kalahok na sa pagbabalangkas ng national budget ang 1,590 na lokal na pamahalaan.

"Ngayon kung ano ang kailangan ng komunidad sila mismo ang magsasabi. Sila mismo ang magdidisenyo ng inisyatiba para dito at siya naman din pong pinaglalaanan ng pondo ng ating pamahalaan," ani Aquino.

Ilan sa paglalaanan ng pondo ay ang planong masimento ng  Department of Public Works and Highways ang lahat ng national roads sa 2016, suportahan ng Department of Social Welfare and Development ang 4.3 milyong pamilya sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

"Sa ganitong sistema na tinatawag nating Performance Informed Budgeting may batayan tayo kung natutupad ng mga ahensya ang kanilang mga ipinangako. Nakita natin kung saan napupunta ang kaban ng bayan," paliwanag ni Aquino.
 

Show comments