MANILA, Philippines – Sa layuning maging ligtas ang publiko laban sa mga magpapaputok ng baril ngayong holiday season, sisimulan ng Philippine National Police sa buong kapulungan ang pagseselyo sa kanilang mga service firearms.
Ito ay base sa isang morandum na inisyu ni PNP Officer-In-Charge, PDDG Leonardo Espina sa lahat ng PNP personnel para sa pagpapa-igting ng kanilang kampanya laban sa ilegal na pagdadala ng baril at walang habas na pagpapaputok sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Gagawin ngayon ang magkakasunod na pagtatakip sa baril mula sa National Headquarters pababa sa Police Regional Offices, Provicial Offices, City at Municipal Police Stations sa buong bansa, upang tiyakin sa publiko na hindi magagamit ng mga otoridad ang kanilang mga armas ngayong yuletide season.
Giit ni Espina, sa tulong ng pina-igting na intelligence efforts mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), iba pang law enforcement agencies, at local government units ay tutukuyin ang sinumang lumabag dito.
Ang pinagsanib na PNP at AFP ay binuo para magsagawa ng preventive patrols upang maaresto ang mga uniformed personnel, miyembro ng enforcement agencies at sibilyang masasangkot sa indiscriminate firing.