MANILA, Philippines – Boluntaryong sumuko sa batas ang isang lider ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Puting Bato, Cabadbaran City, Agusan del Norte.
Kinilala ni Major Ezra Balagtey, spokesman ng AFP-Eastern Mindanao Command ang sumurender na si Ramel Mabulay alyas Ka Pacot, lider ng NPA Squad sa lalawigan.
Isinuko rin nito ang kaniyang armas na isang AK 47 at 318 mga bala.
Sinabi ni Balagtey na nagdesisyong sumurender si Mabulay upang magbagong buhay na sa piling ng kanyang pamilya kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng pasko at bagong taon.
Si Mabulay ay sumuko sa tropa ng Army’s 29th Infantry Battalion (IB) sa Brgy. Puting Bato ng lungsod.
Ayon naman kay Major Gen. Aurelio Baladad, Commander ng AFP Eastern Mindanao Command, ang pagsurender ni Mabulay ay indikasyon ng patuloy na pagbagsak ng komunistang grupo.
Sa tala ng militar, umaabot na sa 455 rebel surrenderees ang nairekord sa taong 2014 at inaasahang madadagdagan pa bago magtapos ang taon kumpara sa bilang na 274 nagsisuko noong 2013 sa silangang bahagi ng rehiyon ng Mindanao.