MANILA, Philippines – Ipinauubaya na ni Pangulong Aquino kay Justice Secretary Leila de Lima ang pagsasaayos ng problema sa National Bilibid Prison (NBP) matapos makumpirma ang iba’t ibang anomalya kabilang ang talamak na transaksiyon ng ilegal na droga at ang marangyang pamumuhay ng ilang prominenteng bilanggo.
Ayon kay Presidential spokesperson Edwin Lacierda, nasa kamay na ni de Lima kung ano-anong reporma ang dapat ipatupad sa NBP matapos atasan ng Pangulo na hindi dapat pinapayagan ang mga kontrabando sa loob ng bilangguan at maging ang mga luxury aminities.
Ipinahiwatig pa ni Lacierda na may ‘say’ si de Lima maging ang pagsibak kay Bureau of Corrections (BuCor) Director Franklin Bucayu sakaling irekomenda niya ito.
Simula ng madiskubre ang mga anomalya sa NBP, pinagtuunan na ng pansin ni de Lima ang problema kaya dalawang beses na kaagad itong nakapagsagawa ng raid.