MANILA, Philippines - Muling sinalakay ni Justice Secretary Leila de Lima ang New Bilibid Prison (NBP) kasama ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) kahapon ng umaga.
Alas-7 ng umaga nang isagawa ang panibagong operasyon sa NBP kung saan nadiskubre ang jacuzzi, mga musical instruments, armas, sex toys, mga baril at maging ang shabu.
Kabilang sa mga kubol na pinasok ay kina Arman Agoho, Vicente Dy, Eugene Chua at Benjamin Marcelo.
Nadiskubre ang dalawang aircondition sa kubol ni Dy na nakatago sa kisame. Sisirain ang mga kubol upang magamit na common area ng mga nagsisiksikang mga preso.
Sinabi ni de Lima na maraming empleyado ang mawawalan ng trabaho sa sandaling mapatunayan ang pagkakasangkot ng mga ito sa anomalya sa NBP.
Aniya, kailangan na mapanagot ang responsable dito upang tuluyan nang malinis ang NBP mula sa mga illegal transaction ng mga sindikato.
Mag-i-issue muna si de Lima ng show cause order para sa mga pinaghihinalaang sangkot sa pagpasok ng droga at mamahaling gamit sa pambansang piitan.
Aniya, ito ang unang hakbang para imbestigahan ang lahat ng mga sangkot sa pagkakaroon ng marangyang pamumuhay ng mga high profile inmates sa Bilibid.