MANILA, Philippines - Nagkaharap kahapon sa Olongapo Regional Trial Court sina US Marine Pfc. Joseph Scott Pemberton at ang pamilya ng pinaslang na Pinoy transgender na si Jeffrey “Jennifer “ Laude.
Si Pemberton ay sumailalim sa medical examination, fingerprints at mugshot na bahagi ng booking process.
Hindi natuloy ang pagbasa ng sakdal sa kasong murder kay Laude matapos na kapwa maghain ng mosyon ang kampo nina Pemberton at legal counsel ni Laude na si Atty. Harold Roque sa sala ni RTC Branch 74 Judge Roline Ginez-Jabalde.
Hinihiling ng kampo ni Pemberton ang pagsuspinde sa paglilitis habang nais naman nina Atty. Roque na buksan sa media ang coverage sa proseso ng pagdinig sa kaso at ilipat ng kulungan ang US serviceman sa isang lokal na piitan sa Olongapo City.
Ibiniyahe si Pemberton mula sa Camp Aguinaldo bandang alas-2 ng madaling araw at dumating ang convoy sa Olongapo City Hall of Justice bandang alas-4:30 ng madaling araw.
Nasa 20 pulis ang itinalaga sa mga pintuan at pasilyo patungo sa sala ni Jabalde habang nasa 100 pulis naman ang ipinakalat sa compound ng Olongapo City Justice Hall.
Bandang alas-1:12 ng hapon ng makabalik ang convoy ni Pemberton sa JUSMAG (Joint United States Military Assistance Group) sa Camp Aguinaldo at 1:33 ng hapon ng muli itong ipasok sa stockage na nagsisilbi nitong kulungan.
Nabatid kay Atty. Roque na dedesisyunan pa ng korte ang kanilang apela habang ang proseso naman sa mosyon ng kampo ni Pemberton ay dedesisyunan sa darating na Disyembre 22.
Alinsunod naman sa commitment order, sinabi ni RTC Branch 74 clerk of court Atty. Gerry Gruspe na mananatili si Pemberton sa US facility sa Camp Aguinaldo.