MANILA, Philippines - Mistulang nakahinga nang maluwag ang ilan nating mga kababayan sa ilang bahagi ng Maynila at Rizal matapos nilang masubukan ang pinakabagong serbisyo ng Meralco, ang Kuryente Load (KLoad) o prepaid electricity.
Kasalukuyan nang available ito sa Taytay, Cainta at Angono, Rizal gayundin sa Sampaloc at Tondo, Manila kung saan umabot na sa mahigit 1,600 ang prepaid customers. Ayon sa kanila, malaki ang naitulong ng KLoad sa kanilang pagba-budget dahil pwede silang makatipid ng halos 26%. Tila swak ito sa lifestyle ng marami sa mga Pinoy dahil na rin malapit ito sa konsepto ng ‘”tingi.”
Ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, ang kagandahan dito ay empowered ang mga customers na makontrol ang konsumo sa kuryente. Araw-araw ay may pinapadalang text ang Meralco na nagsasabi kung magkano na lang ang natitirang load. May text din na matatanggap pag paubos na ang load at pag may adjustment sa rates kaya nababantayan ng mga customers ang kanilang account.
Bagamat maihahalintulad ito sa cellphone load, siniguro naman ng Meralco na walang nakaw load at wala din load expiration kaya kampante at tiwala ang kanilang mga customers sa serbisyo.
Kasabay ng pagdami ng KLoad customers ay ang pagdami din ng mga loading outlets kabilang ang Meralco Business Centers, Bayad Centers at e-Load retailers tulad ng sari-sari stores, 7-eleven, Mini stop, Generika drugstore at Robinsons Malls.
Sa susunod na taon, ang Kload ay magiging available na sa kabuuan ng Maynila.