MANILA, Philippines – Sinampahan nina Party-list Rep. Terry Ridon ng Kabataan at Jonathan de la Cruz ng ABAKADA ng kasong kriminal si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez at dalawa pang kasamahan nito dahil sa lantaran nilang pagbalewala sa batas sa pagbibigay nila ng mga prangkisa at certificates of public conveyance.
Sa reklamo nito sa Office of the Ombudsman, sinabi nina Ridon at Dela Cruz
na dapat panagutan nina Ginez at LTFRB Board Members Ronaldo Corpus at Robert Cabrera na siya ring LTFRB Officer-in-Charge at Executive Director, ang kanilang paglabag sa Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Inihayag nina Ridon at Dela Cruz na noong Enero 15, 2013, binawi ng LTFRB ang pahintulot na binigay sa kumpanya ng bus na Solid North upang magsakay at magbaba ng pasahero sa terminal ng kumpanya sa Cubao sa Quezon City. Hindi sinunod ng Solid North ang utos at naghain ito ng motion for reconsideration.
Noong Abril 24, 2013, pinuna ni Ridon na ibinasura ng LTFRB ang motion. Subalit inihayag din ng ahensya na maaaring isantabi ang pagbasura kung makakakuha ang Solid North ng Route Measured Capacity (RMC) certificate mula sa Department of Transportation and Communications (DOTC).
Hiniling ng Solid North na bigyan sila ng hanggang Agosto 1 para makapagsumite ng RMC. Subalit noong Hunyo 28, biglang naglabas ng kautusan si Ginez at ang LTFRB na nagpapahintulot sa Solid North na magsakay at magbaba ng mga pasahero sa Cubao.