MANILA, Philippines – Suntok sa buwan ang hinihinging batas ng mga kalalakihan na magbibigay sa kanila ng proteksiyon laban sa pang-aabuso ng mga kababaihan matapos tahasang sabihin kahapon ni Senator Pia Cayetano na imposibleng mangyari ito at mangyayari lamang isang daan o dalawang daang taon pa mula ngayon.
Ayon kay Cayetano hindi na kinakailangan ng batas para lamang mabigyan ng proteksiyon ang mga kalalakihang umaangal ng domestic violence.
Ipinahiwatig ni Cayetano na maari lamang mangyari na magkaroon ng batas na magbibigay ng proteksiyon sa mga kalalakihan kapag nabaligtad na ang sitwasyon at ang mga ito na ang mas mangangailangan ng proteksiyon.
Ipinaliwanag pa ni Cayetano na sa international at maging sa local field ay nabibigyan ng pansin ang mga tinatawag na “vulnerable” o marginalized katulad ng mga babae, mga bata, elderly, at mga may kapansanan.
Bagaman at aminado si Cayetano na may mga lalaki ring nagiging biktima ng domestic violence pero may solusyon pa rin naman umano ang mga ito katulad ng paghahain ng reklamo at paghingi ng tulong sa barangay, pulisya, pari o pastor.