MANILA, Philippines – Umaabot na sa P1.4 bilyon ang halaga ng mga napinsalang ari-arian habang tumaas na sa 27 ang bilang ng mga namatay sa pananalasa ng bagyong Ruby sa ilang mga rehiyon sa bansa partikular na sa Eastern Visayas, ayon sa mga opisyal kahapon.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama na nasa P1.04 bilyon na ang inisyal na pinsala ng bagyong Ruby sa agrikultura at hayupan habang patuloy pa ang assessment sa Regions V, VII at VIII.
Iniulat naman ng Philippine National Red Cross na umaabot na sa 27 ang kabuuang bilang ng mga namatay sa bagyo habang isinusulat ito. Karamihan ay nasa Borongan City, Eastern Samar na umabot sa 16 katao ang nasawi.
Huling tumama ang bagyong Ruby sa Lubang Island sa Occidental Mindoro matapos na hindi na ito direktang manalasa sa Metro Manila bagaman dumaranas pa rin ng malalakas hanggang sa katamtamang bugso ng ulan.
Ipinaliwanag ni PNRC Chairman Richard Gordon na ang bilang na 27 sa mga namatay ay inireport ng mga volunteers ng kanilang tanggapan na umaayuda sa mga apektadong evacuees.
Gayunman, ang nasabing bilang ay taliwas sa ulat ni NDRRMC Executive Director Alexander Pama na nag-ulat lamang ng tatlong patay matapos na tanggalin na sa listahan ang dalawang nasawi sa hypothermia sa Iloilo.
Idinagdag pa ni Pama bagaman may walong napaulat na nasawi sa bagyo sa Eastern Samar na nakarating sa kanilang tanggapan ay isinasailalim pa ito sa masusing beripikasyon upang alamin kung talagang sa bagyo namatay at hindi sa sakit.
May 60 naman sa 138 barangay sa Tacloban City sa Leyte at ang mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Catanduanes at ang San Pablo City sa Laguna ang isinailalim sa state of calamity.
Inaasahang darami pa ang mga lugar na ilalagay sa state of calamity habang hinihintay pa ng NDRRMC ang opisyal na report ng iba pang mga lalawigan mula sa iba’t-ibang rehiyon na kabilang sa tinamaan ng hagupit ni Ruby. Apektado rin ng malalim na pagbaha ang Quezon, Laguna at Marinduque.
Inalis na rin ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration ang lahat ng storm warning signal kahapon ng tanghali habang papalayo sa bansa si Ruby. Pero nagbabala ang PAGASA sa mga mangingisda at sa maliliit na bangka laban sa malalaking alon sa may karagatan ng Luzon.
Sinabi ni PAGASA forecaster Aldczar Aurelio na magdudulot ng maalong karagatan si Ruby at ang Northeast Monsoon.
Kahapon ng alas-10:00 ng umaga, tinaya ang lokasyon ni Ruby sa layong 135 kilometro-hilagang kanluran ng Calapan, Oriental Mindoro na may lakas ng hangin na 45 kph malapit sa gitna. Inaasahang nasa layo itong 450 kilometro mula kanluran ng Calapan ngayong Miyerkules ng umaga at nasa labas na ng Pilipinas sa umaga ng Huwebes.