MANILA, Philippines - Maglalaan ng pondong P12.7 billion ang gobyerno sa susunod na taon para sa ipapadalang 12,540 nurses, 5,749 midwives, 480 dentists at 398 doctors sa malalayo at mahihirap na lugar sa bansa.
Ayon kay Pasig City Rep. Roman Romulo, ang bagong pondo ay nakapaloob sa?P2.606-trillion General Appropriations Act for 2015, na idadaan sa Department of Health (DOH).
Umaasa si Romulo na dahil sa nasabing pagpapadala ng mga dagdag na tao sa pagbibigay serbisyong medikal ay maraming mahihirap na kababayan ang matutulungan.
Naniniwala rin si Romulo na makakatulong sa mga nurses at midwives ang makukuha nilang experience sa gagawin nilang pagbibigay serbisyo sa probinsiya sa kanilang pagtatrabaho sa Pilipinas at ibang bansa.
Sinabi ng mambabatas na ang karagdagang staffs ay itatalaga sa mga public hospitals, barangay health stations, at rural health units.?May malaking bilang ang bansa ng mga nursing at midwifery graduates na naghahanap ng pagkakataon para magamit ang kanilang tinapos na propesyon habang maraming lugar naman ang kulang sa kinakailangang health services.
Ang Professional Regulation Commission (PRC) ay nag-isyu ng lisensiya sa may 22,202 bagong nurses at 2,494 midwives ngayon taon.
Matatandaan na nitong nakalipas na linggo, nasa 30,000 nursing graduates, kabilang na ang repeaters, ang kumuha ng dalawang araw na Nursing Licensure Examination ng PRC.
Samantalang maraming Pilipino nurse at midwives ang pumasok sa ibang trabaho na malayo sa kanilang tinapos dahil sa kawalan ng posisyon para sa kanilang propesyon.