‘Red carpet lanes’ sa OFWs itinulak

MANILA, Philippines - Isinusulong ng isang kongresista ang paglalagay ng “special red carpet lanes” sa lahat ng paliparan sa bansa para sa mga paparating na overseas Filipino workers.

Sa House Resolution no. 1735 na inihain ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza, hinikayat nito ang Bureau of Immigration (BI) at airport authorities na maglagay agad ng special red carpet lanes sa lahat ng international airports sa bansa para sa mga OFW.

Giit ni Atienza, kailangan na mabigyan ng wastong pagpapahalaga at pagpapasalamat ang mga kababayang patuloy na nagsasakripisyo sa pagtatrabaho sa ibang bansa upang mabigyan ng maayos na buhay ang kanilang pamilya.

Bukod dito, ang $30 bilyon dolyar na pinapadala ng mga ito taon-taon ay isa sa pinakamala­king ambag na patuloy umanong bumubuhay sa ating ekonomiya kaya nararapat lamang na mabigyan sila ng wasto, masaya at magalang na pagsalubong sa pag-uwi nila sa ating bansa.

Nakasaad pa sa resolution ni Atienza na dapat agad maglagay ng special red carpet lanes ngayong Disyembre para sa mga OFWs na magsisipag-uwian para magbakasyon sa kanilang mga pamilya ngayong kapaskuhan.

Sa ganitong paraan umano ay maipaparamdam ng gobyerno sa OFWs na espesyal sila sa pamamagitan ng special red carpet lanes na may nag-aasiste sa kanila na mga special immigration and customs officials.

 

Show comments