MANILA, Philippines - Nagdeklara na kahapon ang Albay ng state of calamity kaugnay ng malalakas na pag-ulan at bugso ng hangin dulot ng bagyong Ruby.
Ito’y kasunod ng pagsasailalim sa Signal No. 3 sa lalawigan kung saan nasa mahigit 74,000 residente ang inilikas sa mga ligtas na lugar.
Ang naturang bilang ay mula sa target na 128,000 katao na mula sa tinaguriang kritikal na lugar na may banta ng flashfloods, storm surge at pagragasa ng lahar mula sa Mayon volcano.
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region V, ang pagsasailalim sa state of calamity sa lalawigan ay matapos ang ipinatawag na special session ng Sangguniang Panlalawigan.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, ito’y upang magamit ang pondo para sa mga inilikas na residente na apektado ng kalamidad.
Ayon naman kay AFP Southern Luzon Command spokesman Major Angelo Guzman, naka-posisyon na ang tropa ng militar sa Bicol Region para sa humanitarian disaster response operations.
Kabilang dito ang deployment ng mga sundalo at military trucks para magamit sa nalalabi pang residenteng ililikas sa mga evacuation centers at sa paghahatid ng relief goods na kakailanganin. (Joy Cantos)