MANILA, Philippines - Muling isinulong sa Senado ang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang paglalagay ng tattoo at body piercing sa mga kabataan na wala pang 18 taong gulang.
Sa Senate Bill 2479 na inihain ni Sen. Jinggoy Estrada, sinabi nito na mahalagang malaman ng mga nagpapa-tattoo at body piercing ang panganib na maari nilang kaharapin dahil sa isyu ng sanitasyon.
“It is important, therefore, that the person who desires to get a tattoo or have a body pierce understands all its risks and repercussions. It is even more important that said person is aware of and will demand for the required sanitation requirements in the procedure,” ani Estrada sa kanyang panukala.
Hindi pa aniya masasabing nasa tamang edad na ang mga kabataan na wala pang 18 taong gulang o tinatawag na “age of discernment” kaya dapat pang proteksiyunan ang mga ito ng gobyerno.
Hindi naman kasama sa ipagbabawal ang pagpapalagay ng hikaw kahit pa sa mga bata.
Sa panukala, dapat magpakita ng personal identification card katulad ng driver’s license ang isang nais magpalagay ng tattoo o body piercing upang makita ang edad nito.
Parusang 2-6 na taong pagkakulong at multang hanggang P20,000 ang ipapataw sa mga lalabag. (Malou Escudero)