MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Aquino ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at mga lokal na pamahalaan na maging handa sa pagpasok sa bansa ng bagyong Hagupit (Ruby).
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, dapat maging ganap ang paghahanda ng mamamayan upang hindi na maulit ang nangyari noon sa bagyong Yolanda at matamo ang zero casualty.
Sa pagtataya ng PAGASA, ngayong hapon inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) si Ruby kung saan ang tatahakin nito ay ang ruta rin ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas at Bicol region.
Ayon sa PAGASA, dalawang scenario ang maaaring mangyari - ang mag-landfall o tumama sa kalupaan ang bagyo o mag-recurve o lumihis ito pahilaga ng bansa.
Sakaling mag-landfall, tatama ang bagyo sa Eastern Visayas, maaaring sa bahagi ng Samar, Sabado ng hapon o gabi.
Magdudulot ito ng storm surge o paglaki ng alon ng 3 hanggang 4 metro.
Ayon naman kay Dr. Landrico Dalida Jr. ng Deputy Administrator ng PAGASA, ang bagyo ay nakaamba ring magdulot ng 215 mm na mga pag-ulan sa Luzon, Eastern Visayas at maging sa Northern Mindanao habang apektado rin ang Cebu at Northern Panay.
Ayon naman kay DILG Undersecretary Austere Panadero, aabot sa 44 lalawigan ang aabutan ng hagupit ni Ruby.
Sa panig ni Department of Science and Technology Sec. Mario Montejo, posibleng lumakas pa ang bagyo na may taglay na hanging nasa 160 kilometro kada oras (kph) malapit sa gitna at bugso o gustiness na aabot sa 195 kph. Malakas rin ang dala nitong ulan at 500 kilometro ang saklaw ng diyametro.
Matinding kaba naman ang nararamdaman ng mga Yolanda survivors sa Leyte partikular na sa Tacloban City at maging sa Eastern Samar dahil ang kanilang lugar na naman ang tinutumbok ng bagyo.