MANILA, Philippines - Lumakas pa ang bagyong "Hagupit" habang tinutumbok ang Silangang Mindanao, ayon sa state weather bureau ngayong Miyerkules.
Huling namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyo sa 1,670 kilometro silangan ng Mindanao kaninang alas-4 ng umaga.
Taglay ng bagyo na pangangalanang Ruby" ang lakas na 130 kilometers per hour at bugsong aabot sa 160 kph habang gumagalaw sa bilis na 30 kph.
Tinatayang papasok ng bansa si Hagupit bukas ng hapon, ayon sa PAGASA kahapon.
Hindi pa naman matiyak ng PAGASA kung tatama sa kalupaan ng Eastern Visayas ang bagyo sa Linggo o liliko patungong Japan.