MANILA, Philippines – Hindi na ikinagulat ni Senate President Franklin Drilon ang karagdagang kaso na inihain laban sa kanya ni dating Congressman Augusto Syjuco Jr. sa Office of the Ombudsman.
Ani Drilon, ugali na raw ni Syjuco na maghain ng mga kaso laban sa kanya na pawang malisyoso at mga walang basehan.
“This is not new to me. Mr. Syjuco has a penchant for filing frivolous, malicious, and baseless allegations against me. In fact, only a few days ago the Commission on Elections junked his vote-buying case against me for lack of evidence,” diin ni Drilon.
Gayunpaman, ipinaliwanag ni Drilon sa panibagong kaso kaugnay ng unliquidated pork barrel funds, mismo ang Commission on Audit (COA) na ang nagsabi na walang anomalya sa school building project na kinabibilangan ng nasa 1,600 classrooms na ipinatayo mula 2002 katuwang ang Federation of Chinese and Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) na pinaglaanan ng pondo mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
“In fact, these 1,600 classrooms I have built since 2002 in partnership with the FFCCCII are now being used in various parts of the country,” paliwanag ni Drilon.
Sa isyu naman na lumabas sa COA report, nilinaw ni Drilon na nakatuon lamang ito sa validation ng liquidation report na isinumite ng FFCCCII.