MANILA, Philippines – Higit 50 katao ang pinaghahahanap, kabilang ang 13 Pinoy, matapos lumubog ang isang barkong pangisda sa Bering Sea ng South Korea malapit sa Russia kagabi.
Ayon sa ulat ng Associated Press, bukod sa mga Pinoy ay may 35 Indonesian, 11 South Korean at isang Ruso ang sakay ng 30-anyos na barko.
Pitong katao na ang nailigtas ng mga kawani ng South Korean fisheries and oceans ministry, habang isang bangkay ang kanilang narekober.
Nangingisda ng Pollock ang mga sakay ng 2,100-toneladang barko nang lumubog ito.
Ayon sa isang opisyal mula South Korea na ayaw magpakilala, may walong lifeboats ang naturang barko, kung saan isa rito ang ginamit ng mga nailigtas na mangingisda.
"The condition of the fishermen who were rescued is fine," pahayag ni Artur Rets, hepe ng rescue center sa Petropavlovsk-Kamchatsky port sa RIA Novosti news agency.
"They are currently on the ship that rescued them. They will stay there until the weather improves and South Korea decides how to get them out of here. In the likeliest scenario, they will be picked up by a Korean vessel that is out fishing nearby."
Sinabi naman ni Kim Kang-ho ng Sajo Industries, may-ari ng lumubog na barko, na noong Hulyo 10 pa lumayag ang mga mangingisda upang manguha ng Pollock, isang klase ng isda na malakas tuwing winter sa South Korea.
Base sa ulat, nasa apat na metro ang taas ng mga alon nang lumubog ang barko, kung saan -10 degrees ang temperatura.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang rescue operations para sa mga nawawalang mangingisda.