MANILA, Philippines - Tiwala pa rin si Vice-President Jejomar Binay na magtatagumpay siya sa kanyang adhikain at nagpahiwatig na sa bandang huli ay sa Malacañang din ang kanyang bagsak.
Ang positibong pananaw ni VP Binay na hindi magtatapos ang kanyang “journey” sa Coconut Palace ay inihayag sa mga ehekutibo ng Boy Scout of the Philippines matapos ang kanilang ginawang “morning walk” kahapon.
Ito ay sa gitna na rin ng kaliwa’t kanang krisis pulitika na kinakaharap nito mula sa mga kalaban sa pulitika dahil sa mga isyu umano ng korapsyon at tagong yaman.
Sumama si Binay sa may 80 national at regional executives ng BSP sa kanilang paglalakad na nagsimula sa BSP office sa may Manila City Hall patungong tanggapan ng Bise Presidente sa Coconut Palace sa Pasay City.
Sa pagtatapos ng lakad, nagbigay ng maikling mensahe ang Bise Presidente sa mga opisyal ng BSP at sumali sa inihandang “boodle fight” sa Cococnut Palace ng mga opisyal ng BSP na nasa Manila dahil sa pagdalo ng ika-55 Annual Scout Executive Conference.
“My office is open to all members of the BSP. But we will not end up meeting here, it goes without saying,” ani Binay na pinalakpakan ng mga boys scouts.
Gayunman, nilinaw ni Binay sa mga mamamahayag na huwag haluhan ng pulitika ang kanyang naging pahayag. Aniya, ang pagsasama nila ng BSP executives ay walang kinalaman sa pulitika dahil isang physical fitness activity lamang ang kanilang isinagawa. (Ellen Fernando)