Mga preso hihirit ng clemency kay Pope

MANILA, Philippines - Hihiling ng clemency ang mga preso sa New Bilibid Prison sa pagdalaw sa bansa ni  Pope Francis sa Enero 2015.

Ayon kay  Msgr. Bobby Olaguer, chaplain ng NBP, ito ang apela ng mga  preso sa maximum detention sa pagdating ng Santo Papa sa bansa bukod pa sa pagnanais na  matugunan ang congestion sa mga bilangguan.

Sinabi ni Olaguer na hindi naman ginagamit ng Pangulong Aquino ang kanyang kapangya­rihan na  magbigay ng  executive clemency o mapababa ang sintensiya  ng  mga karapat dapat na preso kaya’t patuloy  naman ang pagsisikip ng bilangguan.

Ipinaliwanag pa ni Olaguer, ang pagbisita ng Santo Papa sa bansa ay “ Mercy and Compassion” kung  kaya’t marapat lamang na ipakita ito ng  Pangulong Aquino sa mga preso na matagal na sa Bilibid.

Una na ring lumiham ang mga bilanggo sa Santo Papa na humihi­ling na madalaw sa kulungan subalit base sa itinerary ni Pope Francis, hindi ito kabilang sa mga lugar na mapupuntahan.
Base sa report, may 14, 800 ang mga nakakulong sa maximum prison ng NBP. (Doris Franche-Borja)

 

Show comments