MANILA, Philippines - Walang-basehan ayon sa Commission on Elections (Comelec) ang petisyon na humihiling sa Supreme Court na pigilan ang nakatakdang bidding ng kontrata sa pag-supply ng mga karagdagang precinct count optical scan (PCOS) machines na gagamitin sa 2016 national elections.
Ayon kay Comelec Comm. Lucenito Tagle, dati nang naresolba ng mataas na hukuman ang mga isyu na inungkat sa petition for certiorari na inihain ni former Assemblyman Homobono Adaza at walang sapat na dahilan para mabimbin ang tuluyang pagpapabuti ng Automated Election System (AES).
Paninira lamang umano na “pakana” ng mga karibal sa negosyo ng Smartmatic ang nasa likod ng naturang petisyon at walang ibinigay na ebidensiya na may dayaan gamit ang PCOS noong halalang 2010 at 2013.
Ang Smartmatic Philippines, isang global technology provider, ang supplier ng 82,000 PCOS machines na ginamit noong matagumpay na 2010 at 2013 automated elections.
Hiniling ni former Assemblyman Homobono Adaza sa kanilang 19-page petition for certiorari sa Korte Suprema na harangin ang Comelec bidding para sa pagbili ng karagdagang 23,000 automated voting machines para sa 2016 polls.
Ang bidding ay di dapat matuloy hanggang hindi nareresolba ang ilang mahahalagang isyu ukol sa 2010 elections, ang paggigiit nina Adaza at Siñel.
Kinuwestiyon din ng mga petisyoner ang planong “pag-recycle” ng mahigit 80,000 PCOS machines.
Tiniyak naman ni Tagle na nakahanda ang Comelec na sagutin ang anumang “recycled na isyu” kung tatawagin ito ng Comelec. Samantala, itutuloy ng poll body ang submission of the bidding requirements sa December 4.
“Walang dahilan para ipagpaliban ang paghahanda para 2016 national elections sa kabila ng pag-iingay ng ilang bagong-sulpot na grupo na pulos recycled lamang ang mga reklamo,” pagdidiin ni Tagle.(Butch Quejada)