DILG budget tinawag na ATM ng LP

MANILA, Philippines - Minadali ng adm­i­nistrasyon ang pagpapatibay ng panukalang pambansang budget para sa taong 2015 para itago ang pondo sa pork barrel at iba pang paningit na pondo para sa kampanya ng Liberal Party sa halalan sa 2016.

Ito ang akusasyon kahapon ni United Nationalist Alliance Interim President Toby Tiangco na pumunang ang pa­nukalang 2015 General Appro­priations Act (GAA) ay naglalaman ng ma­raming bagay na isinama sa badyet ng Department of Interior and Local Go­vernment (DILG).

Kabilang anya sa kuwestiyonableng bahagi ng budget ang pagbuhay sa iligal na pork barrel system na nagpapanggap bilang “lump sum grassroots items”.

“May P37.3 billion lump sum funds under five departments, bukod sa pagbuhay sa savings para magamit na namang DAP. May bagong definition pa ng savings na malaya ang executive to freely overrule the will of Congress,” sabi ni Tiangco. “Para saan ba ang mga pondo ng DILG para sa mga proyektong wala naman talaga sa mandato nito? Hindi ba’t para sa kampanya since ang DILG secretary ay ang presumptive LP standard bearer nito sa 2016.”

Mula anya 2011 hanggang 2013, umaabot sa P11 bilyong DAP funds ang naibigay na ni Budget Secretary Butch Abad sa 116 kongresista at 22 senador na pawang kasapi ng LP at malapit sa Malakanyang.

“Kaya kailangang tingnang mabuti ang laman ng 2015 national budget. Kung hindi, magiging higanteng ATM machine ito ng administrasyon at ng mga kaalyado nito para sa 2016 national elections,” parunggit ni Tiangco.

Ayon kay Tiangco, lumilitaw sa rekord ng DBM na ang mga kongresista, gobernador, alkalde at bise alkalde na kaalyado ng LP ay nakatanggap ng DAP na nagpapanggap bilang assistance to local government units na hindi awtorisado sa ilalim ng GAA.

 

Show comments