MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong plunder at graft sa tanggapan ng Ombudsman si House Majority Leader at Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II.
Sa 58-pahinang reklamo ng grupong Sentinels of the Rule of Law sa pangunguna ng spokesman nilang si Jefferson Indap, sinabi nitong umaabot sa P315 milyon ang umano’y nawaldas ni Gonzales dahil sa maanomalyang paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ginawang batayan ng naturang grupo sa kanilang isinampang kaso ang special audit report na inilabas ng Commission on Audit (COA) noong 2013.
Ayon kay Indap, isinampa ang kaso sa Ombudsman upang mabusisi ito ng husto ng naturang ahensiya hinggil sa sinasabing hindi magandang pinuntahan ng PDAF ng mambabatas.
Sa kasong ito, napaulat na ginamit ni Gonzales ang kanyang pork barrel sa mga kwestyunableng livelihood at financial assistance, pagbili ng kung anu-anong mga kagamitan at ilang ghost projects.
Binigyang diin ni Indap na walang aksyong isinagawa ang Ombudsman sa usaping ito dahil kaalyado ng administrasyon kayat sila na mismo ang nangalap ng mga ebidensya para sampahan siya ng kaso.
Nang tanungin kung sino ang mga taong nasa likod ng grupong Sentinels of the Rule of Law ay sinabi ni Indal na kinabibilangan ito ng mga anonymous persons na mula sa multi-sectoral at anti-corruption group.
Samantala itinanggi naman ni Gonzales ang akusasyon at handa anya siyang harapin at sagutin ang reklamo kung kailangan.