MANILA, Philippines – Pasado na sa Senado ang panukalang itaas sa P82,000 ang tax exemption para sa bonus ng mga empleyado ng gobyerno at pribadong sektor.
Sa botong 14-0, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2437 na nagtataas sa halaga ng hindi bubuwisan na 13th month pay at iba pang bonus mula sa kasalukuyang P30,000 at ginawang P82,000.
Nauna ng inamin ni Sen. Ralph Recto na nakiusap ang Department of Finance na huwag ipasa ngayong taon ang panukala dahil makakaapekto ito sa tax collection ng buwis ngayong taon.
Sa orihinal na panukala, ipapako sana sa P75,000 ang tax-exemption pero iginiit ni Recto na gawin itong P82,000 matapos aminin na rin ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares na ang halaga ng P30,000 noong 1994 ay katumbas na ngayon ng P82,000.
Ipinaliwanag naman ni Sen. Sonny Angara, co-author ng SB 4237 na noong unang maisabatas ang P30,000 tax ceiling noong 1994, ang basic salary ng isang empleyado ng gobyerno ay nasa P3,800 lamang samantalang ang Presidente ng Pilipinas ay P25,000.
Napapanahon na aniya para amiyendahan ang batas matapos ang 20 taon dahil iba na ang halaga ng piso sanhi ng inflation.