MANILA, Philippines – Inatasan ng Korte Suprema ang Commission on Elections (Comelec) na agad na isagawa ang recall elections sa Puerto Princesa City, Palawan.
Ito’y matapos na katigan ng SC en banc sa botong 12-0 ang petisyon ni Alroben Goh laban sa Comelec Resolution No. 9864 at 9882.
Naghain ng recall petition si Goh para mapatanggal sa pwesto si Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron.
Batay sa resolution 9864 na ipinalabas noong Abril 1, 2014, kinatigan ang rekomendasyon ng Office of the Deputy Executive Director na sufficient in form and substance ang petisyon laban kay Bayron pero sinuspinde ang pagsasagawa ng recall dahil sa isyu ng pondo.
Sa ilalim naman ng resolution 9882 na ipinalabas noong Mayo 27, 2014, sinuspinde ang lahat ng recall proceedings dahil wala umanong inilaan na pondo para rito sa ilalim ng 2014 General Appropriations Act (GAA).
Pero ayon sa Korte Suprema, may ginawang pag-abuso sa kapangyarihan ang Comelec sa pagpapalabas ng dalawang nabanggit na resolusyon.
Paliwanag ng SC, sa ilalim ng 2014 GAA, may line item authority o kapangyarihan ang Comelec para pondohan ang recall elections mula sa kanilang savings.
Hindi na rin anila kailangang magsagawa ng supplemental legislation para bigyang awtorisasyon ang poll body sa pagsasagawa ng recall elections.
Pirmado ito ng may 40,000 registered voters na lampas sa 15% ng voting population ng siyudad alinsunod sa Republic Act No. 9244.