Publiko binalaan ng PNP Yaman huwag iposte sa Facebook

MANILA, Philippines - Nagbabala ang Philippine National Police sa publiko na mag-ingat sa pagpo-post ng kanilang mga larawan at kabuhayan sa mga social networking site sa internet upang hindi makahikayat sa mga kriminal at maging biktima ng pagdukot para humingi ng ransom.

Ayon kay Senior Supt. Rene Aspera, chief of staff Anti Kidnapping, ilan sa mga sindikatong sangkot sa kidnapping ay gumagamit na ng Facebook o social networking websites sa paghahanap ng maaring maging mga biktima.

“Napag-alaman namin sa ilang natatanggap naming kaso ng kidnapping na maraming nalalaman ang mga suspek hinggil sa kanilang bibiktimahin sa pamamagitan ng Facebook,” paliwanag ni Aspera.

Ngayong taon, iniulat ng AKG na nakatanggap sila ng 43 kaso ng kidnap-for-ransom sa Luzon at Mindanao, at 24 dito ay kinonsiderang naresolba.

Sa 43 kaso,  21 ang sa Luzon habang 22 ang sa Mindanao karamihan at kunektado sa Abu Sayyaf group.

Ayon pa kay Aspera, ang kaso ng kidnapping na may kaugnayan sa Facebook ay mas mababa sa limang insidente pero tinitignan pa ng PNP ang mga bagong taktika.

Pinaalalahanan din ng PNP ang publiko na limitahan o kontrolin ang laman ng kanilang ipinopost sa  Facebook, Twitter at iba pang social networking websites, partikular sa kanilang yaman o mga pag aari.

Inamin ni Aspera na ang social media ay na­ging kasangkapang pang kumunikasyon ngayong  Internet age pero nagbabala na ang mga kriminal ay gumagamit na rin ng Internet para sa kanilang iligal na aktibidad.

Nangangahulugan anya na ang pagpipigil sa pagpo-post ng hindi nararapat o pagpapakita ng yaman, mga ari-arian o lifestyle ay makakahikayat sa mga kidnappers.

Pinaalalahanan din ni Aspera ang publiko na i-secure ang kanilang social media accounts sa  private security setting upang malimitahan ang mga taong nais na tumingin sa kanilang mga ipino-post.

Show comments