P1.2-B Comelec deal lulutuin?

MANILA, Philippines - Binatikos kahapon ng isang election watchdog ang sinasabing lutuan na ginagawa ng  Commission on Elections (Comelec) para mabulsa ng kumpanya na nagbenta ng  voting machines sa gobyerno sa dalawang nakalipas na national at local elections ang P1.2-bilyong kontrata para ayusin  ang 82,000 PCOS units.

Kasabay nito, pina­lakas ng bagong-buong Citizens for Clean and Credible Election (C3E) ang kampanya nito upang ma-blacklist ang Smartmatic sa bidding ng mga proyekto ng Comelec na may kinalaman sa halalan dahil sa mga nilabag nitong election laws at regulasyon ng poll body.

“Nakakabahala na binibigyan ng pabor ng Comelec ang Smartmatic. Tila pursigido silang gantimpalaan ang mga lumalabag sa batas ng bansa,” sabi ni  C3E co-convenor at National Labor Union president Dave Diwa.

Binanggit ni Diwa ang mga report na seryosong kinukunsidera ng Comelec ang pag-a-award ng P1.2 billion contract para sa pag-repair ng lumang 82,000 PCOS machines sa Smartmatic kahit na hindi ito idadaan sa bidding.

Nauna nang sinabi ni Comelec chairman Sixto Brillantes sa mga report na gusto niyang ibigay ang proyekto sa Smartmatic kahit na labag ito sa rekomendasyon ng sariling  legal department ng poll body.

Sinabi rin ni Diwa na nakakainsulto sa talino ng publiko ang ibinigay na dahilan ni Brillantes para hindi na idaan sa bidding ang naturang proyekto. Nasabi ni Brillantes sa mga report na wala nang oras at tanging ang Smartmatic lang raw ang nakakaalam ng mga naturang makina.

Ibinunyag ni Diwa na nakikipag-alyado ang kanyang grupo sa mga nagsusulong ng malinis na halalan upang panagutin ang Smartmatic. Nilinaw din ni Diwa na walang isinusulong na proyekto o produktong teknolohiya ang kanyang grupo.

Bukod sa paglabag sa automated election law, maaari ring malabag ng mga Comelec officials ang procurement kung lulutuin nila ang deal sa Smartmatic sa pag-repair at pag-upgrade ng mga lumang PCOS machines, ani Diwa.

Sinabi ni Diwa na ayon sa Republic Act 9184 o ang  Government Procurement Reform Act at ang implementing rules at regulations nito, ang PCOS refurbishment project ay nararapat na i-bid sa mga kuwalipikadong service providers.

Nagdududa rin si Diwa kung paano gagawin ng  Smartmatic ang pag-overhaul ng  PCOS units kung hindi ito mismo ang gumawa ng mga makina. Duda rin si Diwa sa kakayahan ng Smartmatic kung meron itong kakayahan na magbigay ng kakailanganing software at technology. 

 

Show comments