MANILA, Philippines – Nais ni Senator Miriam Defensor-Santiago na silipin ng Senado ang ulat na ilang parke at pampublikong lugar ang ginawang sementeryo para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Ayon kay Santiago, dapat amiyendahan ang mga kasalukuyang batas upang matiyak na may sapat na lupa para sa maayos na libingan at maproteksiyunan ang kalusugan at sanitasyon ng mga lugar na sinasalanta ng kalamidad.
“Whereas Congress must intensify existing laws to ensure that enough land is allotted as proper burial grounds to protect Filipinos’ health and sanitation in areas devastated by disasters,” ani Santiago sa kanyang resolusyon.
Maliwanag aniya ang nakasaad sa Article 2, Section 14 ng Saligang Batas na dapat proteksiyunan at isulong ng estado ang kalusugan ang mga mamamayan at maituro ang pagkakaroon ng “health consciousness”.
Pero napaulat aniya sa isang pahayagan nitong Nobyembre na ilang parke at mga pampublikong lugar sa Tanauan, Leyte ang ginawang public cemeteries.
Bukod pa rito, ilang lupa na accessible sa publiko ang ginawa namang mass graves.
Tinatayang umabot sa mahigit 8,000 katao ang namatay dahil sa Yolanda na nanalasa sa Kabisayaan noong nakaraang taon.
Ilang lokal na residente umano ang nagsabi na nagdesisyon silang ilibing ang kanilang mga patay sa mass grave dahil sa kawalan ng tamang lugar na mapaglilibingan.