MANILA, Philippines – Sa gitna ng bagong immigration policy ni US Pres. Barack Obama kung saan hindi na ipapa-deport ng America ang mga illegal immigrants kabilang na ang mga Filipino na walang kaukulang papeles, umapela naman kahapon ang Malacañang sa mga Pinoy na balak mag-“tago ng tago” o TNT.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ang bagong immigration policy ng Amerika ay hindi sasakop sa mga bagong kaso o “future cases” at hindi ito lisensiya para magtungo sa nasabing bansa ang mga hindi dokumentadong mamamayan.
“A word—at least the situation, with reference to the deferred action program of the Obama administration—President Obama also mentioned that this will not apply to future cases. So parang may cut-off po sila. So huwag po nating isipin that this is license to go anywhere undocumented,” paliwanag ni Valte.
Una ng inihayag ng Malacañang na isang “welcome action” ang naging hakbang ni Obama lalo pa’t maraming mga Filipino na naninirahan na sa Amerika pero walang kaukulang papeles ang makikinabang sa nasabing polisiya.
Sa inilatag na Executie Order ni Obama nitong Biyernes, kasama sa mga matutulungang makakuha ng work authorization sa bansa ang nasa 4.4 milyong undocumented immigrants na limang taon na o higit pa sa Amerika; may anak na American citizen o illegal resident; handang magparehistro; walang criminal record at handang magbayad ng buwis.
Hinikayat din ng Palasyo ang mga Filipino na sakop sa nasabing polisiya na samantalahin na ang pagkakataon upang maging legal ang paninirahan nila sa Amerika.