MANILA, Philippines - Iginiit ng Malacañang kay Health Undersecretary Teodoro Herbosa na manatili ito sa kanyang posisyon dahil ang tanging may karapatan na paalisin siya sa puwesto ay si Pangulong Aquino at hindi si DOH acting Sec. Janet Garin.
Binigyang-diin ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na ang tanging puwedeng mag-alis sa puwesto kay Herbosa ay ang nagtalaga dito na si Pangulong Aquino.
Unang inihayag ng Palasyo na bilang acting secretary ay limitado ang kapangyarihan ni Garin na puwedeng gawin sa Department of Health.
Magugunita na umalma si Herbosa ng bigla siyang alisin ni Garin as undersecretary at pabalikin sa University of the Philippines (UP) gayung co-terminus ang appointment nito kay Pangulong Aquino na siyang nag-appoint sa kanya.
Sinabi naman ni Herbosa na wala na siyang balak magdemanda laban kay Garin sa ginawang pagsibak sa kanya.
Bukod kay Herbosa ay napaulat na inilipat din ni Garin si Asec. Eric Tayag at ibinalik sa dating puwesto nito bilang director IV ng DOH.
Naging kontrobersyal din si Garin ng magtungo ito sa Caballo island kasama si AFP chief Gregorio Pio Catapang upang bisitahin ang mga peacekeepers ng walang suot na protective gear.