MANILA, Philippines - Siniguro ng Malacañang na hindi magiging maluho at magastos ang gagawin ng Pilipinas sa pagbisita ni Pope Francis sa Enero 2015.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, magiging payak at hindi magarbo ang gagawing preparasyon ng Pilipinas sa pagbisita ng Santo Papa gaya na rin ng pakiusap ng Vatican.
Ang gagastusan lamang ng gobyerno ay ang mga pangangailangan sa gagawing preparasyon sa pagbisita ng Papa.
Nakatakdang bumisita sa bansa si Pope Francis sa Enero 15-19 ng susunod na taon at kabilang sa dadalawin nito ang mga biktima ng Yolanda sa Tacloban City.
Ipinaalala ng Vatican na huwag gawing magarbo at magastos ang preparasyon ng Pilipinas sa pagbisita ng Papa bagkus ay ilaan na lamang daw ito sa pagtulong sa mga biktima ng Yolanda.
Pero siniguro rin ng Palasyo ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad ng Santo Papa sa pagbisita nito sa Maynila at Tacloban City.