Nagsampa ng kaso vs Drilon, persona non grata na sa Iloilo City

Si Manuel Mejorada na nagsampa ng kasong plunder sa Office of the Ombudsman laban sa dati niyang boss na si Senate President Franklin Drilon. File photo/Boy Santos

MANILA, Philippines – Dahil sa paninira sa lungsod ng Iloilo, idineklarang persona non grata ng lokal na pamahalaan si dating Iloilo Provincial Administrator Manuel Mejorada.

Ayon sa ulat ng dzMM, ang konsehal na si Ed Peñaredondo ang naghain ng resolusyon sa konseho upang ideklarang persona non grata si Mejorada na pinaboran naman ng 11 konsehal maliban kay Leone Gerochi na nag-abstain.

Si Mejorada ang nagsampa ng patung-patong na kaso kay Senate President Franklin Drilon sa Ombudsman dahil sa umano'y overpriced na Iloilo Convention Center.

Matatandaang inihayag ni Mejorada sa imbestigasyon ng Senado na pugad ng korapsyon ni Drilon ang naturang lungsod.

Ito ang isa sa mga ginawang basehan ng konseho dahil anila'y kasiraan ito sa kanilang lungsod na maaaring makaapekto sa mga nais mamumuhunan sa kanila.

Sa pagharap niya sa Senado ay inamin niyang wala siyang matibay na ebidensiya at wala ring hawak na dokumento na magpapatunay sa kanyang paratang kay Drilon.

Dahil dito ay mukhang hindi na ipagpapatuloy pa ng senaod ang kanilang imbestigasyon.

Show comments