MANILA, Philippines – Tinukoy kahapon ni dating Vice Mayor Ernesto Mercado ang anim na condominium units na pag-aari umano ni Vice Pres. Jejomar Binay pero nakapangalan sa ibang tao.
Sa pagpapatuloy ng hearing kahapon ng Senate Blue Ribbon sub-committee, sinabi ni Mercado na “open secret” sa Makati ang pagkakaroon ni Binay ng isang unit sa bawat itinatayong condominium building kalapit ng matitipid na buwis ng developer at occupancy permit at maging building permit.
Pero paglilinaw ni Mercado, hindi naman 100% ang pagkakaroon ni Binay ng bawat unit kundi nasa 60 hanggang 70 porsiyento lamang.
Anim na condominium units ang tinukoy ni Mercado na diumano’y pag-aari ni Binay pero ipinangalan sa iba’t ibang indibiduwal na may koneksiyon rin sa kanya. Kabilang dito ang The Peak Condominium, Le Triomphe Condo, Makati Sunrise Towers Hotel (ngayon ay Berjaya Hotel), Perla Compania de Seguros Mansion Condotel, Prince Plaza II Condotel at Avignon Tower.
Ipinakita rin ni Mercado sa pagdinig ang mga dokumento na magpapatunay na ang address ng mga dummy ni Binay ay sa City Engineering Office ng Makati.
Balak ng subcommittee ni Sen. Koko Pimentel na ipatawag sa susunod pang pagdinig ang mga sinasabing dummy ni Binay upang maibigay ang kanilang panig.
Sinabi rin ni Pimentel na ang pagdinig kahapon ang pinaka-huli nila ngayong taon dahil mas bibigyan ng prayoridad ang pagpasa sa national budget para sa 2015.