MANILA, Philippines – Tiniyak ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na patuloy na isusulong ng kanyang tanggapan ang gender equality lalu na sa hanay ng LGBT (lesbians, gays, bisexuals and transgenders) community sa lungsod.
“Hindi po sila naiiba sa atin kaya marapat lamang na ipakita at igawad sa kanila ang ating pang-unawa,” pahayag ni Vice Mayor Belmonte sa ginanap na press conference na pinangunahan ng QC Pride Council bilang paghahanda sa paglulunsad ng QC International Pink Festival sa December 9.
Sinabi ni Belmonte na ang nagdaang pagpasa sa Gender-Fair City Ordinance ay isang positibong hakbang ng pamahalaang lungsod para mabigyan ng patas na pagtingin at pagpapahalaga sa LGBT.
Ang naturang ordinansa ay layung ibsan ang diskriminasyon sa sexual orientation, gender identity at expression sa mga opisina, edukasyon, access to basic services at akomodasyon.
“This is a landmark measure and already other local government units have expressed interest in having the ordinance replicated in their localties. Marami na po sa kanila ang kumukuha sa Quezon City bilang consultant sa usaping ito,” dagdag ni Belmonte.
Bukod sa QC International Pink Festival, ang QC Pride Council sa pakikipag tulungan sa Philippine Initiative on LGBT Pride Advocacy, Inc. ay magsasagawa rin ng QC Pride March sa December 13 sa Quezon Memorial Circle.
Ang Pride March na kinilalang pinakamalaking pagtitipon ng Filipino LGBT community at mga supporters nito ay magkakaroon ng float competition, night party, rainbow booths, fashion show at awarding ceremony para sa mga natatanging QC personalities na tutulong sa LGBT movement sa lungsod.