MANILA, Philippines – Sinariwa kahapon ng mga senador ang mga magagandang karanasan nila kasama si dating Sen. Juan Flavier sa necrological service na ibinigay kahapon ng Senado sa namayapang senador na namatay sa edad na 79.
Pinangunahan ni Senate President Franklin Drilon ang necrological service kung saan ikinuwento niya ang pagtawag sa kanya ni Flavier ng “Mila’s lechon” dahil Mila ang pangalan ng kanyang asawa samantalang ang “Mila’s Lechon” ay isang sikat na tindahan ng lechon sa bansa.
Hindi lamang aniya maituturing na inspirasyon si Flavier para sa mga mamamayan kung hindi nagbigay rin ito ng hindi matatawarang serbisyo publiko at palaging napapasaya ang mga nakapaligid sa kanya. Pumanaw si Flavier noong Oktubre 30 dahil sa pneumonia at organ failure.
Samantala, sinabi naman ni Senator Miriam Defensor-Santiago sa kanyang eulogy na itinuturing niyang best friend si Flavier na posibleng pinaka-matapat na senador.
Ayon naman kay Senator Sergio Osmeña III, si Flavier ay isa sa pinaka-popular at inirerespetong senador ng Pilipinas.
Dinala ang urn na nagtataglay ng mga abo ni Flavier sa Session Hall ng Senado kung saan isinagawa ang necrological service.