MANILA, Philippines - Dahilan sa umano’y agawan sa pwesto sa pagitan nina on-leave Health Secretary Enrique Ona at DOH officer-in-charge (OIC) Janette Garin kaya nangangamba ang isang kongresista na maapektuhan ang paghahanda ng bansa kontra sa Ebola virus.
Ayon kay Gabriela partylist Rep. Emmi de Jesus, kung magpapatuloy ang ganitong scenario sa Department of Health (DOH) ay posibleng makapasok sa bansa ang nasabing sakit na hindi namamalayan ng mga naturang opisyal.
Kaugnay nito, kaya hihilingin ni de Jesus sa House Committee on Health na imbestigahan kung gaano kahanda ang DOH at mga lokal na pamahalaan sakaling makapasok sa bansa ang ebola virus.
Bukod dito, nais rin malaman ng mambabatas ang katotohanan sa ulat ng Alliance of Health Workers na ang Hazmat suits na gagamitin kontra Ebola ay gawa umano sa materyales na kayang tagusan ng anumang infected liquids.
“Lubhang nakakabahala ang ulat mula sa mga nars at doktor na ang ipinagmalaki ni Kalihim Enrique Ona na kagamitang pangsalag sa Ebola, ang HazMat suits, ay gawa sa materyal na tinatagos ng likidong may impeksyon, kaya malamang walang proteksyon na ibibigay ito sa mga kawaning magsusuot nito,” sabi ni de Jesus.
Giit ni de Jesus kailangan ipakita ni Ona sa komite ang ipinagmamalaki nitong Hazmat sa kanyang press conference upang masiguro na ligtas itong gamitin ng mga health workers ng DOH sa ilang piling ospital.