MANILA, Philippines - Nakatakdang mangaroling bukas ang mga guro sa Malacañang para humirit ng dagdag na suweldo kay Pangulong Aquino.
Ayon kay Benjo Basas, opisyal ng Teachers Dignity Coalition (TDC), idadaan nila sa mga awiting pamasko ang kanilang kahilingan na umento sa suweldo na mula sa P18,000 ay gawing P25,000 alinsunod na rin sa Magna Carta for Public School Teachers at Salary Standardization Law.
Aniya, ready na ang tambol, gitara at iba pang instrumento na kanilang gagamitin sa kanilang pangangaroling.
Sinabi ni Basas, pipilitin nilang makapasok sa loob ng Palasyo ng Malacañang pero kung sila ay pipigilin ng mga awtoridad ay sa paanan na lamang ng Mendiola magsasagawa ng ibat-ibang programa, kasama ang iba pang organisasyon ng mga guro sa bansa.
Sa panig naman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), sinabi ni Benjie Valbuena na bigo ang administrasyong Aquino sa kanilang karaingan at kahilingan sa dagdag na benepisyo kaya sila magdaraos ng malaking kilos protesta.