MANILA, Philippines – Dadaanin sa live screening ang pagwe-welcome sa 108 Pinoy peacekeepers mula Liberia na uuwi ngayong Miyerkules.
Sinabi ni AFP spokesman Lt. Col. Harold Cabunoc, nakatakdang dumating sa bansa ang 18th Philippine Contingent to Liberia (PCL) sakay ng UT Air galing Monrovia, Liberia dakong alas-5:45 ng hapon at kinabukasan ng umaga ay ibibiyahe kaagad ang mga ito sakay ng bus patungo sa Cavite saka sasakay ng barko patungong Caballo Island.
Ang live screening ay isasagawa sa Museum ng Philippine Air Force sa Villamor Air Base, Pasay City.
Makakasama ng mga peacekeepers sa 21 araw na quarantine ang 29 miyembro ng PNP at isa sa BJMP na nagsilbi sa United Nations peacekeeping mission sa Liberia.
Sinabi ni Cabunoc na bagaman negatibo sa Ebola screening test ang mga Pinoy base sa pagsusuri ng mga doktor ng UN bago ang mga ito umuwi sa bansa ay kailangan pa rin nilang sumailalim sa quarantine bilang bahagi ng prosesong medikal.
Una nang humingi ng pang-unawa ang AFP sa mga misis at pamilya ng mga peacekeepers na bawal muna ang halik at yakap sa pag-uwi ng mga ito sa bansa kung saan ay puwede ring kumaway at mag-flying kiss sa malayong distansya alinsunod sa protocol na ipatutupad.
Nasa 80-90% ng natatapos ang pagsasaayos sa Caballo Island na nilagyan ng internet, cable at air condition gayundin ng mga comfort room.
Matapos ang 21 araw na quarantine ay saka gagawaran ng heroes welcome ang nasabing mga peacekeepers.